Ramdam mo pag malungkot ako. Interesado ka sa buhay ko. Walang isang araw noon na hindi mo alam nangyari sa buhay ko. Naalala ko lagi mo kasing binabasa blog ko noon. Ikaw lagi ang nauunang batiin ako sa pagkaarawan ko. Niyayaya mo agad akong lumabas pag alam mong may problema ako. Pinatatawa mo ko pag buwiset na ko sa yo. Sa mga tao sa paligid ko. Napapatahimik mo ko pagnagsasalita ka na. Bihira ka kasi magsalita. Sa lagi mong paghintay sa kin sa tuwing may lakad tayo. Sa pang-aasar mo na naiinis pero kinikilig din ako. Sa ilang beses din na naulanan tayo at basang basa at tawa lang tayo ng tawa.

Sa mga kinupit mong pagkain ko sa plato. Sa mga Strong Ice na pinainom mo sa kin at tawa ka ng tawa paglasing ako. Sa pagbirit natin sa lahat ng Videokehan sa Makati. Sa mga bars na sinayawan natin. Sa pagsandal ko sa yo pag lasing na ko at inuuwi mo ako sa bahay mo. Sa pagtawa mo tuwing sinasampal kita. Sa pagtahimik mo at pag una sa paglakad, alam kong galit ka na. Sa ilang beses akong nahuli at minsan hindi sumipot pag magkikita tayo. Sa mga kapeng pinagsaluhan natin. Sa ilang gabing pagchachat natin at pagtetext. Sa ilang beses mo kong pinaiyak.

Sa isang beses na nakita kitang umiyak at nalasing. Sa pag-intindi mo sa kin. Sa sinabi mong nasasakal na kita. Sa sinabi mong OO nung tinanong kita kung gusto mo rin ako. Nung naging open ka na magkwento sa kin ng buhay mo. Nung pinapasok mo na ko sa bahay mo. Nung naging mas higit pa tayo sa matalik na magkaibigan. Nung sinabi mong aalis ka na. Sa ilang gabi kong pag-iyak. Sa ilang beses kong pagdasal na sana huwag matuloy pag-alis mo. Nung ako lang kasama mo nun nung birthday mo. Sa pagseselos ko na wala naman sa lugar. Sa pagkakaibigang ninais kong mas maging higit pa. 

Ilang buwan na rin ang nakakalipas. Ilang taon na rin. Lahat ng puwedeng paglimot ginawa ko na. Lahat ng puwedeng paraan para makalimutan ka ginawa ko na rin. Mahirap sa totoo lang. Nahihirapan pa rin ako hanggang ngayon. Ang pinakamahirap pa, hindi ka naman naging akin talaga. Pero bakit ganito? Hindi ko kayang bitiwan kung ano ang namagitan sa ating dalawa?

Minsan naiiyak na lang ako mag-isa. Minsan tumatawa. Minsan ngumingiti. Pero kadalasan winawalang bahala ko na lang lahat ng nararamdaman ko pa rin para sa yo. Siguro, natanga na ko. Siguro tanga lang talaga ko. Kahit ilang ulit kong sabihin na okay na ko. Okay na ko na wala ka. Mahirap pa rin. Parang niloloko ko lang sarili ko. Hanggang ngayon kasi ikaw pa rin eh. Hanggang ngayon, naghihintay ako. Hindi ko na alam kung ano pa ang hinihintay ko. Pakiramdam ko nasa gitna ko ng dagat na kahit sumigaw ako ng sumigaw, wala namang makakarinig sa kin. Walang lalapit. Walang tutulong. Nahihirapan ako sa bawat araw na ginagawa kong paglayo sa yo. Nahihirapan na ko. Hirap na hirap na. 

Naalala mo ba nung sinabi ko sa yo na kaya kong maghintay basta dapat sa dulo ng paghihintay ko ay mamahalin mo rin ako? Naghihintay pa rin ako. Ang tunay na nagmamahal daw kasi kaya maghintay. Pero hanggang kailan? Mahirap pero kinakaya ko. Sa bawat araw na naglalagay ako ng ngiti at tawa sa mukha ko, pakiramdam ko niloloko ko na sarili ko. Iniisip pa rin kita pagkasama ko mga kaibigan ko. Iniisip kita pagnaglalakad ako. Iniisip kita kahit masaya o malungkot ako. Hanggang ngayon, ikaw pa rin laman nitong utak at puso ko. Minsan lang magkasundo ang utak at puso ko. Magkasundong magkasundo sila pagdating sa yo. Sana yung pagkakasundo nila ganun din kadali ang lahat.

Ngayon ko lang napag-isip isip lahat ng ginawa mo para sa kin. Akala ko kasi mas higit yung pag-aalala at pagpapahalaga na binibigay ko sa yo. Ngayon ko lang naisip na lahat pala ng ginawa mo, may mga bagay ka na kailangang isantabi nun para maging andiyan para sa kin. Akala ko ang babaw ng kaya mong ibigay. Akala ko kinakausap mo lang ako pag wala ka ng makausap. Akala ko kulang pa yung pinapakita mong pagmamahal. Akala ko hindi mo ko mahal dahil ni minsan di mo ko sinabihan na mahal mo ko. Akala ko lang pala ang lahat. Akala ko rin ako ang laging tama. Pasensiya na. 

Ni minsan hindi ka nagsalita sa kung anong nararamdaman ko para sa kin. Ni minsan hindi kita narining na sinabihan mo ko ng mahal mo ko. Lagi kang tahimik. Lagi kang walang imik. Lagi kang walang pakiramdam. Pero mali na naman ako. Alam ko kasi na sa hindi mo pagsasalita, iniiwasan mo na wag akong masaktan sa kung ano man ang kinahinatnan natin. Sa kung ano mang mga nangyari. Na wala akong dapat panghawakan. Na wala na kong dapat asamin pa. Binalewala ko lahat ng ginawa mong pagbibigay mo ng oras para sa kin. Ngayon ko lang naramdaman ng lahat ng ginawa mong yon, ang laki ng iiwang marka sa pagkatao ko. Pinalawak mo isipan ko. Pinalalim mo pag-iisip ko. Pinahaba mo pasensiya ko. Pinaniwala mo ko sa kabutihan. 

Tatapusin ko toh sa pagquote sa pinaka unang comment mo sa blog ko ilang taon na nakalilipas: "it'll come. the things you need may come slow, but it'll come" ...

Currently listening to: Miss You Like Crazy by Natalie Cole
Currently feeling: patient
Posted by jjcobwebb on July 16, 2010 at 01:33 AM in Everyday Drama | 2 comment(s)

Aubrey (guest)

Comment posted on July 19th, 2010 at 03:47 AM
hay nakers ka jay. kaya nga ko dumalaw sa blog mo at bka may kwento ka sa mga recent gimiks mo, kasi namimiss ko na kayo! tapos eto madadatnan ko dito? :( malungkot teh.

pero teka, enlighten me. sino to?? yung lumipad?
Login to your account to post comment

You are not logged into your Tabulas account. Please login.

jjcobwebb (guest)

Comment posted on July 19th, 2010 at 04:44 AM
lol. emo lang. minsan lang naman. lol!