Matatapos Din Ang Lahat
Hindi ko inakala na sobrang bilis ng nagdaang mga taon. Bigla bigla, iba na lang nararamdaman ko pag nagbabalik-tanaw ka sa mga bagay bagay na pinag-gagawa ko noon. Mga emosyong sana'y napigilan. Mga emosyong sana'y hindi na pinatagal. Nakakalungkot isipin na sa kabila ng lahat ng mga nangyari, wala pa rin. Bumalik ako sa kinalalagyan ko dati ng hindi buo. Lagi namang ganun eh. Ang pagkakaiba lang noon, nakabalik ako ng buong buo. Di tulad ngayon, eto, andito ko, nag-iisip kung paano makababalik sa kinalalagyan ko ng buo ang pagkatao ko. Naalala ko na dalawa pala ang kailangan ko upang makabalik ng buong buo sa kinalalagyan ko noon. Espasyo at panahon.
Kailangan ko ng espasyo. Espasyo para sa sarili ko lang. Espasyo para huwag hawakan ang mga alam kong makasasakit sa kin. Espasyo para iwasan ang mga bagay na sanhi ng aking pagkawasak. Espasyo para makalimot. Espasyo para mahalin ko ulit ang sarili ko. Espasyo para maniwala na kaya kong magmahal ulit. Espasyo para maramdaman na kaya akong mahalin.
Hindi ko kayang gumaling ng isang tulugan lang. Panahon ang puwedeng humilom sa lahat ng nararamdaman ko. Kung pwede lang madaliin ang panahon para mawala na lahat ng sugat dito sa puso ko, gagawin ko. Siguro isang araw, pagkagising ko, tapos na ang lahat. Wala na lahat ng nararamdaman ko. Itong araw na toh ay pwede na maging mga nagdaang taon na rin. Pagdating ng panahon, makakarating ako sa dapat kong marating. Maaring mabagal ang pagdating ng mga bagay na gusto ko mangyari sa buhay, pero alam ko darating sila. Sa tamang panahon lahat. At sigurado ko ng lahat ng sugat na meron ako ngayon, hihilumin ng panahon.
Espasyo at panahon. Silang dalawa ang kailangan ko ngayon. Sila lang pwede ko maging kaibigan. Sila lang ang pwedeng tumulong sa kin. Nagawa ko na ito noon, susubukan ko ngayon.
Matatapos din ang lahat.