Hudyat Ng Delubyo
Hindi ko inaakala na nung Biyernes ng gabi, nagsimula na pala yung ulan na magdudulot ng kakaibang trahedyang lulunod sa kalakhaang Maynila. Hindi ko akalain...
Pa-umaga na nung naglalakad kami ni Benson sa may Baywalk sa Roxas Boulevard. Inabot na naman kami ng umaga sa kalsada. Maulan ulan na nun pero akala namin ambon lang. Sanay kaming nauulanan pag magkasama. Wala ng humpay yung pagbuhos nung ambon. Pero tawa pa rin kami ng tawa habang naglalakad dahil sa kalasingan. Naunang nakasakay si Benson ng bus pauwi sa kanila at ako basang basa na kahihintay ng masasakyang taxi. Naligo at direchong natulog pagkauwi.
Bandang alas onse ng umaga, ring na ng ring ang phone ko. Tumatawag si Ate. Tignan ko raw kung baha na sa kalsada namin. Lumabas ako. Hindi baha. Nagpatuloy ako sa pagtulog. Prenteng prete. Nakinig sa iPod. Nagring ulit ang phone. Tumawag ulit si Ate. Pinatingin kung baha ang kalsada. Hindi pa rin. Baha na pala sa kanila. Wala siya sa bahay nila. Si Mama ang naiwan sa bahay nila at mga pamangkin ko at mga katulong. Lumubog na raw ang kotse nila. Umabot na hanggang garahe ang tubig. Muntik na rin maabot yung terrace. Buti na lang mataas ang bahay ni Ate at Kuya. Magkapitbahay sila. Pero ang mga kapitbahay nila, nasa bubong ng mga sarili nilang bahay. Si Mama, kabang kaba na. Hindi na nakauwi sa bahay nila sina Ate at Erwin. Si Kuya at si Mabel din dito na muna tumigil sa bahay. Pati si Bruno na galing sa school andito rin sa bahay. Hindi na macontact sina Mama. Wala ng kuryente dun sa lugar nila. Wala na rin baterya ang mga cellphone. Pati landline, putol na rin. Dito natulog sina Kuya at Mabel. Naghotel sina Ate at Erwin.
Hindi maganda mga imahe na nakita ko sa TV nung nagkaCable na. Nawalan din ako ng signal. Sun at Globe. Si Barry tumawag sa landline ko pinapatanong daw ni Benson kung okay ako. Sina Jeff nakausap ko. Maraming tumawag na kamag-anak sa bahay. Parang pelikula mga nakita ko sa TV. Parang special effects lang. Pero hindi. Totoo silang lahat. Nakakatakot. Nakakalungkot. Hindi ko alam na yung ulan na nagpatulog sa kin ng mahimbing eh yung ulan din na makapipinsala sa maraming tao. Naalarma ko na parang wala na kong paki sa mga nangyayari sa paligid ko. Mga litrato sa Facebook. Mga videos sa Youtube. Yung ulan kung san kami nagtatawanan, at nagkukuwentuhan ni Benson kinagabihan, ay ang ulan ding papatay sa mahigit kumulang sandaang tao. Hindi laging nagdadala ng buhay ang tubig. Nakakamatay din.
Lumibot kami sa Maynila kahapon ng gabi. Nagmasid masid. Madumi ang mga kalsada. Mga gamit ng tao nasa kalsada. Parang The Great Depression. Nakakalungkot. Pero wala tayong laban sa kalikasan. Galit na ata siya sa mga tao. Naghiganti. Naalarma din ako dahil kasama ko sa mga sumisira sa kanya. Kailangan na rin natin magbago ng ugali. Kung paano natin tratuhin ang kalikasan. Sa tingin ko lang, hindi naman magiging ganito kalala mga nangyari kung marunong maglinis at magtapon ng mga basura ang mga Pilipino. Ang daming basura ng Pilipinas. Wala na tayong disiplina.
Kagagaling lang namin ng Pasig. Nagdala ng mga gamot sa mga nasalanta ng bagyo. Parang ghost town yung Pasig. Sobrang haba ng pila ng tao para sa relief goods. Baka himatayin na sa gutom yung iba dun. Bubuksan ko bukas ang damitan ko at mamimigay ng mga sobrang damit ko. Yun na lang ang magagawa ko sa ngayon. Siguro maliit na bagay lang toh pero makatutulong na rin toh para sa iba. Gusto kong tumulong sa pagbalot ng mga ibibigay sa mga nangangailangan. Munting paraan para makatulong sa kanila.
Malaki ang pasasalamat ko sa Diyos na ni isang tubig hindi pumasok sa bahay namin. Marami pa rin dapat ipagpasalamat dahil buo pa rin ang pamilya ko matapos nung mga pangyayari. Nakikiramay din ako sa mga namatayan. Sa mga tao sa ilalim ng San Juan Market na nangamatay. Nakikiramay ako ng buong puso. Sana lang eto na ang huli na mangyayari ang ganitong trahedya. Sana hindi na magkaroon ng isa pang Ondoy.